Ayon kay Danilo Tumamao, provincial agriculturist, ngayon ang panahon na kailangan ng ulan ng mga magsasaka sa lalawigan, kung saan halos P98 million na ang halaga ng mga apektadong lupain.
Ayon naman sa magsasakang si Expedito Bayucan ng Lullutan, lanta na ang mga tinanim nyang mais dahil sa kulang na patak ng ulan ang bumuhos sa loob ng anim na linggo.
Paliwanag ni Tumamao, nasa 24,000 ng 235,775 kabuuang ektarya ng maisan sa lalawigan ang posibleng mapinsala dahil sa tagtuyot.
Sa tala naman ng National Irrigation Administration-Magat river Integrated Irrigation System sa Isabela, sinabi ni Wilfredo Gloria, operations manager ng nasabing istasyon na walang naitalang anumang pag-ulan sa mga watershed areas tulad ng Magat, at Dumayup.
Sa Bulacan naman, halos dalawang linggong inulan ang lalawigan, sapat na upang mapataas ang lebel ng Angat Dam, na siyang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila. / Stanley Gajete