Ang pagkagumon sa mga party drugs sa mga bar at nigh club – sa FREE SPITS ni Ira Panganiban
Hindi mga mahihirap lang ang biktima ng ipinagbabawal na gamot o droga. Napakarami din nyan sa mayayaman at alta-sosyedad.
Sa mga bar at clubs sa mga siyudad sa bansa ay talamak din ang pagbenta at paggamit ng mga party drugs tulad ng ecstacy, acid at cocaine.Nakakabahala ito dahil ang target ng mga pusher ng sindikato sa droga ay mga bata sa mga edad na 15 hanggang 20 taong gulang.
Ayon sa isang confidential report na nakuha natin mula sa National Bureau of Investigation, matagal na nilang binabantayan ang mga high end clubs sa Metro Manila.
Dito umano mas malakas ang bentahan ng party drugs sa kabataanna halos gabi-gabi nagaganap. Mahirap din umano tutukan at bantayan dahil gabi na nagsisimula ang party at madaling araw na ito natatapos.
Ayon sa isang parokyano ng mga club na ito libre sa simula ang mga bata sa droga. “Pag bago ang bata libre yan. Mga isa o dalawang linggo na panay hingi lang ang gagawin niya hanggang na-hook siya,” sabi ng parokyano. Pero pag na-adik na ang bata ay saka siya ipapakilala sa tulak o pusher. Sosyal ang dating ng pusher sa club. Maayos manamit at mamahalin ang gamit. Malaki kumita ang tulak sa alta-sosyedad. Madalas hindi sila gumagamit ng droga.
Dito nagsisimula ang problema ng batang na-adik na sa party drugs. Hindi na sila masaya sa alak lang, hinahanap na nila ang droga.
Kapag wala na silang pambili, uutusan na sila ng tulak na magbenta o mang-engganyo ng gagamit ng droga. Sila na ang pain sa mga ka-edad nila.
Madalas sa hindi nahuhuli ang mga batang ito ng mga pulis na protektor din ng mga pusher sa club. At dito nagsisimula ang koneksiyon ng sindikato sa mga may matataas na puwesto sa gobyerno at lipunan.
Dahil nais ng magulang na maligtas sa kaso at kahihiyan, aareglo sila sa maduming pulis. Magbabayad ng pera para hindi makasuhan.
Pero hindi doon natatapos ang problema nila.
May isang dating mayor sa Central Luzon ang nakilalang protektor ng sindikato ng droga. Ayon sa isang opisyal ng pulis doon nagsimula ang problema niya sa anak nilang adik.
“Magaling naman si mayor, kaya lang, nahawakan ng dating Narcom nung araw yung anak niya. Eh yung dating Narcom pasok sa sindikato ng shabu. Kaya tuwing may huli kami na tao nila naaarbor ni Mayor dahil baka yung anak niya ang tirahin,” sabi ng police source natin.
Nagtanong ako sa mga dating intelligence officers ng pulis kung gaano katotoo ang gawaing ito.
Ayon kay dating Police Sr. Supt. Babette Bernardino madami na silang kasong ganito na na-engkuwentro. “Hindi mo kasi masisi yung mga magulang na proteksiyonan yung anak nila. Ito yung sinasamantala ng mga bulok na pulis,” ani Bernardino.
Sa listahan ng mga drug protectors ng Philippine Drug Enforcement Agency ay kasama ang mga mayor, governor, judges, pulis din.
Pero ayon nga sa source natin sa NBI, madami sa local government officials na nasasangkot na protector ng drug syndicates ay nagsimulang biktima ng blackmail mula sa sindikato ng droga dahil lulong ang kanilang mga anak.
Mga anak na laki sa layaw, maagang natuto ng bisyo at inuumaga sa lansangan, bar o club.(wakas)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.