Militarisasyon ng China sa South China Sea, nagpapatuloy-US think tank
Kuhang-kuha sa mga satellite images ng isang US think tank ang umano’y pagtatayo ng China ng mga reinforced aircraft hangars sa mga islang inaangkin nito sa South China Sea.
Ayon sa Center for Strategic and International Studies (CSIS) sa Washington, ang mga nakitang hangars sa nakuhang litrato ay sapat nang pag-kasyahan ng mga jet fighters na ginagamit ng Chinese air force.
Nakuhaan ang mga litrato kung saan makikita ang pagtatayo ng mga hangars sa Fiery Cross, Subi at Mischief Reefs, buwan ng Hulyo.
Ayon naman sa report, bukod sa sandaling pagbisita ng isang military transport plane sa Fiery Cross Reef, walang ebidensyang nagpadala ng military aircrafts ang China sa mga lugar na ito.
Subalit, ang mabilis na pagtatayo ng reinforced hangars ay nangangahulugang maaring magbago ang obserbasyon na ito.
Lumabas ang mga litrato halos isang buwan bago ilabas ng international tribunal sa The Hague ang kanilang desisyon sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa pang-aangkin ng China sa halos lahat ng teritoryo sa South China Sea.
Nakasaad sa desisyon na walang legal na basehan ang China para gawin ito, at iligal rin ang kanilang pagsakop sa Mishief Reef.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.