Dating IBP spokesperson at isa pang abogado suspendido dahil sa pagpapabaya sa kliyente

Atty. Trixie AngelesDahil sa paglabag sa Code of Professional Responsibility ng mga abugado kaya pinatawan ng tatlong taong suspensiyon ng Supreme Court sina Atty. Rose-Beatrix Cruz-Angeles na mas kilala sa pangalang Atty. Trixie Angeles at Atty. Wylie Paler.

Nag-ugat ang suspensyon laban kina Angeles at Paler sa kasong annulment ng kasal na kanilang hinawakan.

Ayon sa Korte Suprema, nilabag ng dalawang abugado ang Canons 1, 7, 11, 18 at 16 ng Code of Professional Responsibility, ang mga probisyong ito ay may kinalaman sa pagtataguyod ng mga abugado ng integridad at dignidad ng law profession at pagtiyak na hindi mapapabayaan ang kasong ipinagkatiwala sa kanya at pagsisilbihan ng buong husay ang kanyang kliyente.

Ayon sa complainant, nagbayad siya ng P350,000 sa dalawang abugado bilang kabayaran sa kanilang serbisyo pero wala raw silang naiprisintang petition for annulment.

Nang humingi raw ang complainant ng refund ay tumanggi na sina Angeles at Paler na ibalik ang pera at sa halip ay naningil pa ng dagdag na P45,000 bilang counsultation fee.

Sa gitna ng imbestigasyon, inamin ni Angeles na tumanggap nga sila ng P350,000 mula sa complainant pero hindi umano nila pinabayaan ang kanilang kliyente.

Sa halip ay nagkaroon umano ng pagkaantala sa paghahain ng petition for annulment  dahil sa kabiguan ng complainant na ibigay ang address ng kanyang asawa at magprisinta ng sapat na ebidensya.

Gayunman, kumbinsido ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na ang dalawang abogado ay may pananagutan kaya inirekumenda ng IBP Board of Governors na sila ay mapatawan ng dalawang taong suspensyon pero ang suspensyon ay pinalawig ng Korte Suprema sa loob ng tatlong taon.

Read more...