“Walang hold-up, scenario lang”-testigo sa Villarosa shooting

11748802_10153150544008318_931150806_nIniharap ng NBI ang eyewitness sa nangyaring pamamaril sa Sampaloc, Maynila sa tricycle driver na si Robin Villarosa.

Ang nasabing testigo ay ang nakita sa cctv na tumalon mula sa tricycle ni Robin noong July 14.

Seryosong mga alegasyon ang inilahad ng testigo at ayon sa kanya, hindi totoo ang insidente ng holdap at set-up lamang ang nangyari at iyon ay scenario ng holdap umano ni Gulod Police Community Precinct Commander Senior Inspector Rommel Salazar.

Ang pakay ng set-up na hold-up ay para maaresto si Robin Villarosa na suspek sa hiwalay na insidente ng panghoholdap sa UST.

Siya umano ang nilapitan ng Gulod Police Community Precinct dahil personal niyang kakilala si Robin Villarosa.

Pero nang maganap na ang kunwaring panghoholdap kung saan naging subject ng insidente ang brgy. kagawad sa Sampaloc, hindi alam ng testigong ito na papatayin si Robin.

Ang alam lamang daw niya ay aarestuhin lamang si Robin.

Si Salazar umano ang bumaril sa biktima.

Dalawang beses umano niyang inaya si Robin na mangholdap, ito ay nuong July 13 at July 14.

Pinangakuan umano ang testigo ng dalawampung libong piso kapalit ng kanyang pakikipagtulungan para maaresto si Robin, pero dalawang libong piso lang ang naibigay sa kanya bilang pamasahe pauwi ng probinsya.

Pinag-aaralan nang isailalim sa Witness Protection Program ang testigo sa naturang pamamaril.

Ayon kay Vicente De Guzman, Chief of Staff ng NBI- Investigation Service Division, plano nilang ilagay sa WPP ang testigo para mabigyan ng sapat na proteksyon.

Sa pagharap ng testigo sa media, inamin ng testigo na siya ay nababahala sa kanyang kaligtasan kaya napilitan siyang magsabi ng kanyang nalalaman.

Sa panig naman ng PNP, sinabi ni Chief Supt. Allen Bantolo, Officer-in-Charge ng NCR Police Office, na welcome development para sa kanila ang paglutang ng testigo dahil ito ay magpapalakas sa nauna nang kaso na inihain laban sa limang pulis na myembro ng MPD Station 4.

Inilahad naman ni MPD Director Rolando Nana na isusumite nila ang salaysay ng testigo sa Manila Prosecutor’s Office para gamiting batayan sa pagpapasya sa kasong murder na inihain laban kina Gulod Police Community Precinct (PCP) commander Senior Inspector Rommel Salazar; PO3 Ferdinand Valera; PO1 Ronald Dipacina; PO1 Rhoel Landrito at PO1 Diomar Landoy./ Ricky Brozas

 

Read more...