May inilaan nang link o connection ang Korte Suprema para sa audio streaming ng isasagawang oral argument sa isyu ng Torre de Manila.
Ayon kay Supreme Court Spokesman Atty. Theodore Te, ang link ay maaring ma-access ng sinumang gustong makinig ng isasagawang oral argument bukas, Martes, simula alas dos ng hapon.
Kumonekta lang sa official website ng Supreme court at pindutin o i-launch ang window na may nakalagay na oral arguments KOR versus DMCI.
Tulad ng unang inilabas na guidelines sa media, maari itong i-ere ng live sa TV o Radyo subalit dapat ay buo, ibig sabihin, mula simula hanggang sa matapos at walang komentaryo.
Pwede rin naman anyang gumamit ng bahagi ng argumento sa news item pero dapat anyang nasa kontexto.
Ayon kay Atty. Te, tuloy bukas ang debate sa kaso hanggang hindi naglalabas ng resolusyon ang Korte Suprema sa mosyon ng Solicitor General na humihiling na ipagpaliban sa ibang petsa ang oral argument./Ricky Brozas