‘Korte Suprema lamang ang may saklaw sa mga huwes’ – CJ Sereno

By Jay Dones August 09, 2016 - 04:24 AM

Tanging ang Korte Suprema lamang ang may kapangyarihan na magdisiplina sa mga huwes.

Ito ang bahagi ng liham na ipinalada ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno kay Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong pangalanan ang nasa pitong huwes na nasasangkot umano sa iligal na droga sa bansa noong Linggo ng madaling-araw.

Laman din ng apat na pahinang liham ang paliwanag ni Sereno sa ‘separation of powers’ng tatlong sangay ng gobyerno, partikular ng ehekutibo at hudikatura na isinasaad sa ilalim ng Saligang Batas.

Kinwestyon rin ni Sereno sa liham ang integridad ng intelligence reports na pinagmulan umano ng report ukol sa pagkakasangkot ng mga pinangalanang huwes.

Ito’y dahil sa ang isa sa mga pangalang nabanggit ni Pangulong Duterte ay walong taon nang patay, samantalang ang isa ay na-dismiss na at ang ilan ay retirado na rin.

Isiniwalat din ni CJ Sereno na may isa silang iniimbestigahang huwes dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug activity, ngunit hindi ito nabanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang pagbubunyag.

Una nang binanggit ni Sereno sa liham ang payo sa mga nabanggit na huwes na huwag susuko sa mga pulis kung wala namang bitbit na warrant of arrest ang mga ito.

Hiniling din ni Sereno sa PNP na payagan ang mga judge na magbitbit ng baril bilang proteksyon upang hindi malagay sa alanganin ang kanilang buhay sa kamay ng mga crime at drug lords sa gitna ng kampanya kontra droga ng pamahalaan.

Nilinaw naman ni Sereno na suportado nila ang hangarin ng pamahalaan na sugpuin ang iligal na droga sa bansa.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.