NPA, hindi susunod kay Duterte,  mas paiigtingin pa ang mga pag-atake

 

Inquirer file photo

Walang balak ang New People’s Army (NPA) na tumalima sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ihinto na ang paggamit ng mga land mines, kapalit ng pagpapatuloy ng usaping kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebelde.

Matatandaang sa pagpunta niya sa burol ng tatlong sundalong nasawi dahil sa land mine ng NPA, binantaan ng pangulo ang NPA na kung hindi ititigil ang ganitong uri ng pag-atake, ihihinto na niya ang pagsusulong ng peace talks at pauuwiin na lang ang peace panel ng gobyerno.

Ngunit sa kanilang inilabas na pahayag, tumanggi ang NPA na tumalima sa utos ng pangulo, bagkus ay mas palalakasin pa aniya nila ang paggawa ng mga remotely-detonated explosive devices at mga pag-atake.

Muli namang iginiit ng mga rebeldeng komunista na hindi sila gumagamit ng mga ipinagbabawal na land mines, dahil ito anila ay ginagamitan ng remote sa tuwing pinapasabog.

Nagmatigas rin ang NPA sa kanilang pahayag, at sinabing hindi sila magpapatinag sa mga banta ng digmaan ni Pangulong Duterte.

Matatandaang sinabi ni Duterte na wala siyang pakialam kung 45 taon na ang hidwaan sa pagitan ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines (CPP), at handa siyang ipagpatuloy pa ito kung hindi susunod sa kaniya ang mga ito.

Matigas rin anila ang ulo ng pangulo dahil imbis na isulong ang mga usaping pangkapayapaan, lagi lang itong humahanap ng mga dahilan para banatan ang mga komunistang rebelde.

Read more...