Usapin ng Marcos burial, posibleng iakyat na sa korte

 

Inquirer file photo

Nagpahiwatig na si Sen. Kiko Pangilinan na ilang grupo na ang ikinukunsidera na ipaharang sa korte ang pagpapalibing sa yumaong Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ito ayon kay Pangilinan ay kung hindi na babawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang desisyon.

Muling iginiit ni Pangilinan ang kanyang pagkontra sa plano sa katuwiran na magiging katawa-tawa ang bansa dahil kilala si Marcos na corrupt na diktador at umabuso ng husto sa puwesto.

Dagdag pa nito maari naman patawarin ang nagkasala pero aniya ibang usapan na kung bibigyan pa ng hero’s burial at military honors si Marcos.

Samantala, para naman kay Sen. Ping Lacson, bilang dating sundalo at pangulo ng bansa may karapatan naman na mahimlay si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Paglilinaw pa nito, hindi dapat gawing literal ang titulong libingan ng mga bayani dahil hindi naman lahat ng mga nailibing doon ay mga bayani.

Kaugnay pa nito, naghain ng resolusyon si Sen. Risa Hontiveros na ideklara si Marcos na hindi karapat-dapat mailibing sa Libingan ng mga Bayani.

Read more...