P200K drug money kada linggo suhol sa isang PNP official sa Cebu

bato1
Photo: Ruel Perez

Isa umanong mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa Central Visayas ang tumatanggap ng payola mula sa drug lord na si Franz Sabalones.

Ito ang ikinanta ni Sabalones kay PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa sa Camp Crame matapos itong kusang loob na sumuko kanina umaga.

Batay sa salaysay ni Sabalones, umaabot sa P200,000 kada linggo ang ibinibigay nito sa silang Police Senior Suprerintendent  na nakatalaga sa Cebu.

Pero hindi umano nito alam kung nakakarating ang nasabing pera sa mas mataas na opisyal ng PNP dahil ang direkta umanong ka transaksyon ni Sabalones ay ang naturang opisyal lamang.

Samantala, tumanggi naman si dela Rosa na pangalanan ang nasabing police officer pero ibinunyag nito na ipinatapon na umano niya sa ARMM ang naturang opisyal.

Si Sabalones ay dati lamang nagta-trabaho kay Jaguar Diaz na napatay na drug lord sa Cebu na siyang number 1 drug personality sa Region 7.

Pero kalaunan ay nagdesisyon umanong magsarili ng operasyon si Sabalones at mas lumawak pa ang koneksyon nito sa mga bigtime drug lords dahil hindi lamang kay Peter Co ito nakikipag ugnayan para sa kanilang illigal drug trade kundi maging sa isa pang kilalang bigtime drug personality na si David Sy.

Kaya kung tutuusin, ani dela Rosa ay mas matindi pa si Sabalones kung ikukumpara kay Jaguar Diaz.

Read more...