Panelo: Hindi basehan ang medalya ni Marcos para sa hero’s burial

ferdinand-marcosWalang basehan sa Palasyo ng Malacañang kung peke o hindi ang medalya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos para mapigilan ang paghihimlay sa mga labi nito sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, hindi pinag uusapan sa Malacañang kung nakakuha ba o hindi ng medalya ang dating pangulo noong siya’y isang sundalo pa lamang.

Reaksyon ito ni Panelo sa pahayag ni National Historical Commission of the Philippines Chairperson Maria Serena Diokno na hindi makatotohanan ang nakuhang batayan ng palasyo na naging bayaning sundalo si Marcos noong Japanese occupation.

Pagbibigay diin ni Panelo, hindi maitatangging naging sundalo ang dating Pangulong Marcos at hindi naman aniya itinatakda ng Saligang Batas na kapag walang nakuhang medalya ang isang sundalo ay hindi kwalipikadong mailibing sa Libingan ng mga Bayani.

Sa ilalim ng ating Saligang Batas, ang lahat ng mga naging pangulo o kasalukuyang lider ng bansa ay pwedeng ilibing sa Libingan ng mga Bayani ayon pa sa opisyal.

Read more...