Hinihinalang tulak ng iligal na droga, patay sa buy bust sa Maynila

Kuha ng Manila Police District

Patay ang isang hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang suspek na si Valentin Duran alyas Val-Val na target ng operasyon.

Nakipagtransakyon umano si Duran sa nagpanggap na buyer sa loob ng barong-barong sa gilid ng Raxabago Bridge.

Matapos magkaabutan ng limang daang pisong halaga ng shabu ay sinasabing may biglang sumigaw na kapitbahay na may mga pulis kaya bumunot na umano ng baril si Duran.

Ayon kay Police Supt. Redentor Ulsano, hepe ng MPD Station 1, si Duran ay ang isa sa mga suspek sa pamamaril sa isang pedicab driver na si Danilo Mendoza noong August 3 sa Peñalosa corner Franco St. sa Pritil.

Napag-alaman ng mga otiridad na posibleng motibo sa pamamaril kay Mendoza ay onsehan sa bentahan ng shabu.

Narekober kay Duran ang ilang sachet ng shabu at isang kalibre .38 na baril.

Kaugnay nito patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.

 

Read more...