Pasaherong walang passport at tiket, nakasakay ng eroplano; Clark officials sabit sa security breach
Nakalusot na makasakay sa eroplano patungong Singapore sa Clark International Airport noong nakaraang linggo nang wala man lang passport o plane ticket.
Dahil dito, pinaimbestigahan na ni Clark International Airport Corp. (CIAC) president and chief executive officer Atty. Emigdio Tanjuatco III ang insidente ng security breach sa paliparan.
Ayon sa mga ulat na nakarating sa CIAC, nakapasok ang lalaki sa terminal pasado ala-una ng hapon noong August 3 gamit ang arrival exit lobby door.
Nalusutan umano nito ang lahat ng security measures na nakatalaga para ma-screen ang mga pasahero at mga tauhan ng airport.
Ipinaubaya na ng CIAC sa mga pulis ang lalaki na sinabing hinahanap lamang niya ang kaniyang asawa nang mag-board siya sa eroplano nang walang kaukulang clearance.
Isa namang source ng Inquirer ang nagsabi na nanggaling sa greeting area ang lalaki at pumasok sa exit door para sa mga pasahero, at saka dumiretso sa second floor upang makatawid sa boarding bridge para makapasok sa eroplano.
Napansin na lamang siya ng isang flight attendant na humingi sa kaniyang boarding pass.
Isa pang empleyado ng CIAC ang nagsabi na ikalawang beses na itong nangyari na nalusutan ang CRK security, at ang unang insidente ay nangyari noon lamang Hunyo.
Naglabas na ng memorandum si Tanjuatco na para kina retired Brig. Gen. Nestor Deona na OIC ng Office of the Vice President for the Airport Operations Management Group; kay Edgar Guevarra na manager ng aviation security police department at Leandro Aranas II na OIC ng airport operations department.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.