Walang epekto ang makukuhang boto ni Senator Grace Poe sa kahit na sinumang magiging ka-tandem nito sa 2016 elections.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni political analyst Antonio Contreras na “split voting” ang umiiral sa Pilipinas.
Dahil dito, hindi aniya nangangahulugang ang botong makukuha ni Poe ay makukuha rin ng sinumang magiging ka-tandem niya sa eleksyon.
Sinabi ni Contreras na para sa kaniya, hindi na dapat pinag-uusapan at binibigyang halaga ang isyu ng kung sino ang magiging magka-tandem, o kung sino ang magiging running mate ni Poe. “Hindi tayo kagaya ng US na nagma-matter ang tandem. Hindi isyu ang tandem dito sa Pilipinas. Hindi transferrable ang boto ng VP, hindi ibig sabihin na kung si Poe ay tatakbong VP eh mananalo na kung sino ang ka-tandem niya as President,” ayon kay Contreras.
Sinabi ni Contreras na sa halip pinagtutuunan ng pansin ang usapin ng magiging tandem ni Poe sa 2016, mas dapat aniyang balikan at tutukan ang isyu ng kaniyang residency na tila kinakalimutan na.
Ayon kay Contreras, hindi dahil number 1 sa survey si Poe ay kalilimutan na ang usapin sa konstitusyon kung saan malinaw na kabilang residency requirement para maka-takbo sa pagka-bise presidente at presidente. “Hindi porke’t siya (Poe) ang number one pwede na natin ibasura ang konstitusyon at ang batas. Medyo ako ay nababahala, kasi porke’t frontrunner siya, hindi na natin pag-usapan ang residency issue sa kaniya,” sinabi pa ni Contreras.
Payo ni Contreras sa publiko, mas kilalanin si Poe bilang isang kandidato lalo pa at pumasok lamang naman ito sa pulitika noong taong 2010./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.