NGCP nag-aangkat na ng kuryente

By Alvin Barcelona August 06, 2016 - 05:39 AM

NGCP linesNag-aangkat na ng kuryente ang National Grid Corp. of the Philippines (NGCP) para remedyuhan ang kakulangan ng kuryente sa Luzon grid.

Kasunod ito ng pagdedeklara ng NGCP ng red alert mula alas diyes ng umaga hanggang alas singko ng hapon kahapon dahil sa manipis na suplay ng kuryente.

Ayon kay Atty. Cynthia Alabanza ng corporate communications ng NGCP, nag-import sila ng kuryente sa Ormoc at Naga kung saan may interconnection ang Luzon grid.

Gayunman aminado si Alabanza na hindi ito sapat para punan ang deficit sa kuryente sa Luzon.

Nagkaroon aniya ng deficit na mahigit na 600 megawatts ang Luzon bunsod ng mga unscheduled shutdown ng apat na malalaking power plant sa Luzon at ilan pang maliliit na planta dahilan para ilagay nila sa red alert status ang luzon grid.

Samantala, ipinauubaya ng NGCP sa Department of Energy (DOE) ang pag-alam sa liability ng mga power plants sa magkakasunod na pagnipis ng suplay ng kuryente sa Luzon.

Ani Alabanza, ang DOE ang ahensya na may kapangyarihan na silipin ang operasyon ng mga power producers.

Tiniyak ng NGCP na handa silang makipagtulungan sa DOE para sa pagbuo ng mga hakbangin upang hindi na maulit ang kakulangan ng suplay ng kuryente sa hinaharap.

Patuloy naman aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan at pagbibigay ng hawak nilang impormasyon sa DOE.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.