5 patay sa magkahiwalay na bakbakan ng militar at NPA sa ComVal

compostelaKabuuang limang katao ang nasawi sa magkakahiwalay na engkwentro sa pagitan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at mga pwersa ng gobyerno sa Compostela Valley sa loob ng dalawang araw.

Naganap ang unang engkwentro sa Brgy. Rizal sa bayan ng Monkayo, Compostela Valley nang makaharap ng 25th Infantry Battalion ang SECOM 20 ng Southern Mindanao Regional Committee ng NPA, araw ng Huwebes.

Sa kabutihang palad, walang nasawi sa unang engkwentro, ngunit dalawang sundalo ang nasugatan.

Pagdating naman ng umaga ng Biyernes, nakaharap naman ng 25th Infantry Battalion sa parehong barangay ang nasa 60 na miyembro ng NPA.

Nagsasagawa ng operasyon ang mga sundalo nang biglang sumabog ang isang landmine na sinundan ng bakbakan sa pagitan ng dalawang pwersa.

Dito nasawi ang taltong sundalo at isang babaeng rebelde, habang siyam na sundalo naman ang nasugatan.

Hindi pa doon natapos ang bakbakan dahil sa bayan naman ng Magusan, isang rebelde ang nasawi sa pakikipagbakbakan nila sa 71st Infantry Battalion.

Inilagak ang mga labi ng mga nasawing sundalo sa Camp Panacan station hospital, at doon na rin binibigyang lunas ang mga nasugatang sundalo.

Read more...