NGCP, nagbabala ng brownout, Luzon grid, isasailalim sa Red Alert
Kakapusin sa suplay ng kuryente ang Luzon grid mamayang hapon.
Ito ang nakasaad sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Dahil dito, magdedeklara ang NGCP ng red alert status para sa Luzon grid mula alas 2:00 ng hapon hanggang alas 4:00 ng hapon mamaya.
Sa pagtaya ng NGCP, sa nasabing mga oras, kulang ng 203 megawatts ang suplay ng kuryente sa Luzon bunsod pa rin ng mga plantang naka-shutdown at sumasailalim sa maintenance.
Mula alas 10:00 ng umaga naman hanggang ala 1:00 ng hapon ay nasa yellow alert ang status sa Luzon grid.
Pinawi naman ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga ang pangamba ng kanilang consumers na maaring magkaroon ng rotating brownout dahil sa red alert.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Zaldarriaga na inabisuhan na ng Meralco ang mga commercial at industrial customers na kasali sa Interruptible Load Program (ILP) na maging handa sa posibilidad na paggamit ng kanilang generator sets sakaling kailanganin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.