Joma Sison, gusto nang umuwi para sa pelikulang “Tibak”, pero nangangambang ipadakip siya ng US

Joma Sison-TibakUwing-uwi na umano sa Pilipinas si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison.

Ayon kay Luis Jalandoni chairman ng peace panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), gusto nang makauwi ng bansa ni Sison at nais niyang makadalo ng premiere ng pelikulang “Tibak”.

Ang “Tibak” ay hango sa kasaysayan ng 1960s youth group na Kabataang Makabayan na pinamunuan ni Sison sa direksyon ni Arlyn Dela Cruz.

“Si Ka Joma Sison, gustong-gusto niya na ring makauwi, gustong-gusto niya umuwi at mag-attend ng premiere ng Tibak,” sinabi ni Jalandoni sa panayam ng Radyo Inquirer.

Dagdag pa ni Jalandoni, nais din ni Sison na makadalo sa premiere ng “Tibak” si Pangulong Rodrigo Duterte bilang dating miyembro ng KM.

Gayunman, sinabi ni Jalandoni na inaalala ni Sison ang posibilidad na ipadakip siya sa sandaling magpasya siyang umuwi ng Pilipinas.

Kasama pa rin kasi aniya sa terrorist list ng US si Sison.

Sinabi ni Jalandoni na inalis na si Sison sa terrorist list ng European Union kaya dapat ay alisin na din ito sa listahan ng US.

“Pero may mga precautions at tinitignang mabuti iyan, baka pag uuwi siya, pagdaan niya sa Taiwan, hulihin siya doon dahil nasa terrorist list siya, dapat tanggalin siya sa terrorist list,” ayon pa kay Jalandoni.

Samantala, sa panig ni Jalandoni, siya ay nakatakdang umuwi ng bansa sa susunod na buwan para bumisita sa kaniyang pamilya at sa mga political prisoners.

 

 

 

Read more...