Mayor Espinosa, nilaglag ng 2 bodyguards

 

Lyn Rillon/Inquirer

Mismong ang dalawa sa kaniyang mga bodyguards ang naglaglag kay Abuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. kaugnay sa pagkakasangkot niya sa mga iligal na aktibidad ng anak niyang si Kerwin Espinosa.

Ibinunyag ito nina Jose Antepuesto at Marcelino Adorco sa kanilang pagharap sa Camp Ruperto Kangleon sa Leyte, isang linggo matapos silang maaresto sa bayan ni Espinosa.

Tahasang sinabi ni Antepuesto na may kinalaman si Mayor Espinosa sa kalakalan ng iligal na droga, taliwas sa sinabi niya sa harap mismo ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa na hindi siya sangkot sa mga gawain ng kaniyang anak.

Ayon pa kay Antepuesto, hindi naman mayaman ang mga Espinosa at wala umano silang ibang negosyong pinagkukunang yaman kundi ang iligal na droga.

Sina Antepuesto at Adorco ay kabilang sa mga tauhan ni Mayor Espinosa na natimbog sa buy-bust operation, kung saan nasabat ang P1.9 milyong halaga ng shabu noong July 28.

Ayon kay Chief Insp. Jovie Espenido, si Antepuesto ay kababata at pinagkakatiwalaang alalay ng nakababatang Espinosa, habang si Adorco naman ay driver at bodyguard ng alkalde.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na sila ng pulisya dahil posible silang magsilbing testigo sa mga kasong ihahain laban sa mag-ama.

Samantala, bagaman kilalang drug lord si Kerwin, hindi pa naman tukoy ni Eastern Visayas polcie director Chief Supt. Elmer Beltejar kung ano ang tungkulin ni Mayor Espinosa sa aktibidad na ito.

Gayunman, nakatitiyak sila na nakikinabang at may kinalaman talaga ang alkalde sa iligal na gawain ng kaniyang anak.

Read more...