27 lokal na opisyal na sangkot sa droga, tatanggalan ng kontrol sa pulisya
Posibleng mawalan ng kapangyarihan sa pulisya sa kanilang nasasakupang lugar ang 27 lokal na mga opisyal na sangkot umano sa kalakalan ng iligal na droga.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, maaring mangyari ito oras na ianunsyo na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng mga ito.
Irerekomenda aniya nila sa National Police Commission (NAPOLCOM) na tanggalan ang mga ito ng deputation na nagbibigay sa kanila ng direktang kapangyarihan sa mga pulis, dahil wala na silang moral grounds para taglayin ito.
Babala niya pa, ganoon rin ang mangyayari sa mga susuway o hindi makikisama sa kampanya laban sa iligal na droga, pati na ang mga mabibigong sugpuin ang problema ng droga sa kanilang nasasakupang lugar.
Una nang sinabi ni presidential chief legal counsel Salvador Panelo na may ibubunyag ang pangulo na 27 na pangalan ng mga lokal na opisyal na pawang sangkot sa iligal na droga.
Ayon naman sa isang source ng Inquirer mula sa Department of Justice (DOJ), posible pang umabot sa 50 ang laman ng listahang ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.