‘WAG KANG PIKON ni Jake Maderazo

July 20, 2015 - 07:54 AM

jake 2ROXAS BIGO SA LABAN VS KRIMEN… Mismong crime statistics ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management ang nagsasabi na mula Enero hanggang Hunyo ngayong taong ay halos dumoble ang itinaas ng bilang ng krimen sa bansa kumpara noong 2014.

Umakyat ng 46.6 porsyento ang itinaas ng mga krimen o 885,445 ang naitalang krimen sa unang anim na buwan kumpara sa 603,805 noong nakaraang taon. Ibig sabihin, tumaas ito ng 281,600.

Kung titingnan pang mabuti, 352,321 dito ang matatawag na “index crimes” at ito ay 1/3 sa pambansang mga krimen. At ayon pa sa PNP, ang breakdown ng mga index crimes ay ganito; homicide, 6,607; habang 7,245 ang murders; 192,906 physical injuries; rape ay 8,288 at 30,856 robberies.

Noong Enero, sinabi ni Interior Secretary Mar Roxas na kikilos ang gobyerno para bumaba ang krimen. Ilan sa mga binigay ni Roxas sa PNP ay bagong 1,000 patrol cars; 5,000 baril at 52,000 radio. Namahagi rin ang DILG ng CCTV cameras sa mga high crime areas. Ipinatupad na rin ang IRF o Incident report form na makabagong blotter system sa PNP kung saan mayroong reference number ang bawat insidente. Sabi pa ni Mar, gusto niya raw na ang mga pulis “can move, shoot, and talk better” sa paglaban sa krimen.

Well, nakalipas ang anim na buwan, eto ang nangyari, dumoble ang bilang ng krimen. Bukod sa hindi masolusyonan ng mga pulis ang mga malalaking kaso, mismong mga pulis ang sangkot sa high profile crimes.

Naalala ko tuloy ang isinagawang Global Corruption Barometer ng watchdog na “Transparency International” Index noong 2013 kung saan tahasang sinabi nito na ang PNP ang pinaka-corrupt na ahensya ng ating gobyerno. Bukod dito, 64 porsyento ng mga tao ay naniniwala na “corrupt” at di mapapagkatiwalaan ang mga pulis.

Iyan ay noong 2013, at wala pang isang taon sa pwesto si Roxas. Kundi ako nagkakamali, August 2012 nang hirangin si Roxas sa DILG si Roxas kapalit ng namatay na si Sec. Jesse Robredo.

Pero halos tatlong taon na siya sa pwesto, wala pa ring pagbabago sa katiwalian ng PNP. Marami pa ring mga krimen ang kinasasangkutan ng mga pulis. Ang masaklap dumoble pa ang bilang ng index at non-index crime sa bansa.

Nariyan na halos ang buong presinto ang sangkot sa kotong, torture at salvaging at iba pang krimen tulad ng La Loma, Baler, Galas, Novaliches stations sa QC, Pasay city, Pasig, Stations 4,8, 9 at Chinatown detachment sa Maynila, Los Banos, Binan sa Laguna at marami pang iba.

Sa mga istasyon pa lamang ang mga iyan, pero paano na ang corruption sa PNP National Headquarters, sa Firearms and Explosives office, sa iba pang sangay at doon din sa PNPA?

Kung tutuusin, lahat ng ito’y nangyayari depende sa liderato ng PNP, noon si Gen. Alan Purisima at ngayo’y si Gen. Ricardo Marquez. Pero, hindi nagsisinungaling ang mismong estadistika ng PNP, talagang dumoble ang bilang ng mga krimen sa bansa at corrupt pa rin ang pananaw ng taumbayan sa ilang mga pulis.

Anumang oras ay aalis si Roxas sa DILG at kailangan niyang magmadali para ayusin ito nang hindi ito gawing isyu laban sa kanya ng mga kalaban niya sa pulitika.

Pero sa totoo lang, gaya nang nangyari sa DOTC, palpak na naman si Roxas ditto sa DILG. Sayang talaga, dahil napakagaling nitong si Roxas noon bilang Trade secretary, napakarami niyang nagawa.

Marahil di ninyo alam na si Roxas ang nagpasimula ng BPO o iyong call center jobs noong panahon ni Gloria Arroyo; na 2,000 lang ang call center agent at ngayon ay milyon na.

Pero dito sa paglaban sa kriminalidad sa mga corrupt na pulis, mukhang hindi umubra si Roxas.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.