Sabwatan na nagdudulot ng power rate hike, pinasisiyasat sa kamara

INQUIRER FILE PHOTO/RAFFY LERMA
INQUIRER FILE PHOTO/RAFFY LERMA

Pinaiimbestigahan ni Bayanmuna Party List Rep. Carlos Isagani Zarate sa kamara ang biglaang pagtaas ng halaga ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM, sa kasagsagan ng aniya’y nakakasuspetsang maintenance shutdown ng mga power plant.

Batay sa ulat, ang WESM price increase ay aabot sa dalawampung piso kada kilowatt-hour, at inaasahan na mapapataw sa electricity bill ng mga konsyumer sa Setyembre.

Kinumpirma ni Zarate na maghahain siya ng isang resolusyon para ipasiyasat ang usapin sa House Committee on Energy, na pinamumunuan ngayon ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Ayon kay Zarate, sadyang kaduda-duda ang naturang power hike, at sabayan pa ng sunud-sunod na pagtaas ng alerto dahil daw sa manipis na suplay ng kuryente.

Bukod dito, may forced shutdown din sa mga planta ng kuryente gaya ng Unit 2 ng Sual power plant sa Pangasinan, na mayroong 647 MW capacity; at Unit 1 ng Calaca coal-fired power plant.

Nag-maintenance shutdown naman ang nasa apat na power plants kabilang na ang sa Calaca power plant, South Luzon Thermal Corp. plant at Angat hydroelectric power facility.

Sinabi ni Zarate na tila “déjà vu” ito noong November 2013, kung kailan nagkaroon ng simultaneous emergency at maintenance shutdowns ng mga power plant na nagbunsod ng aniya’y historic price hike sa kuryente.

Bukod naman sa kamara, iginiit ni Zarate na dapat imbestigahan din ito ng Energy Regulatory Commission o ERC.

Kinalampag din nito ang kongreso na i-review at pag-amyenda sa EPIRA.

 

 

Read more...