Anti-videoke bill inihain na sa Kamara

By Isa Avendaño-Umali August 02, 2016 - 04:53 PM
videoke-time
Photo: Radyo Inquirer

Isang panukalang batas ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na nagbabawal sa paggamit ng karaoke at videoke sa partikular na oras sa buong bansa.

Ito’y para protektahan na rin ang publiko laban sa noise pollution.

Sa ilalim ng House Bill 1035 ni Quezon Province Rep. Angelina Tan, hindi naman lubusang ipagbabawal ang pagkakaraoke at videoke, kundi lilimitahan lamang.

Nauna nang naglabas ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabawal sa paggamit ng karaoke at videoke, pero giit ni Tan ay mainam na may national law para dito.

Batay sa panukala, bawal ang mga karaoke at videoke sa mga pampublikong lugar pagdating ng alas-diyes ng gabi hanggang alas-siyete ng umaga.

Paliwanag ni Tan, matinding ingay ang dinadala ng karaoke at videoke lalo na sa mga residential area, kaya maraming mamamayan ang biktima ng noise pollution.

Sinabi rin ng Lady Solon na bukod sa nakakairita ay dagdag-stress ang ingay mula sa karaoke at videoke at abala sa pagtulog o pagpapahinga ng maraming tao.

Paliwanag pa ni Tan na isang doktora, kung ang mga hayop ay ayaw sa ingay, mas lalo na aniya ang mga tao kaya nararapat na maprotektahan ang mga ito laban sa pambubulagbog o pag-iingay ng ilan.

Kapag naging ganap na batas, multang isang libong piso o pagkakabilanggo ng anim na buwan ang parusa sa mga lalabag.

Sakop din nito ang mga establisimyento na gumagamit ng malakas na sound system na nagdudulot din ng ingay.

TAGS: Congress, karaoke, tan, videoke bill, Congress, karaoke, tan, videoke bill

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.