Kamara, bubuo ng Committee on West Philippine Sea; si dating HS Belmonte ang mamumuno

mischief_reef west phil seaBubuo ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng isang komite na tututok sa usapin hinggil sa West Philippine Sea o WPS.

Ang napipisil na pinuno nito ay si dating House Speaker at ngayo’y Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr.

Sinabi ng beteranong mambabatas na pinapili siya ni House Speaker Pantaleon Alvarez kung anong komite sa kamara ang nais niyang pamunuan.

Pero ani Belmonte, tatanggap lamang daw siya ng chairmanship kung bubuuin ng kapulungan ang Committee on West Philippine Sea.

Giit ni Belmonte, panahon nang magkaroon ng isang house panel na bibigyang-atensyon ang isyu sa territorial disputes.

Aniya, masyadong mabigat ang usapin sa WPS, at kailangan ng lehislasyon para maging matibay ang laban at claim ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo.

Sa oras na mabuo na ang komite, sinabi ni Belmonte na tutulong ito sa magiging trabaho ni dating Pangulong Fidel V. Ramos sa misyon nito na makipag-ugnayan sa China ukol sa territorial issues.

Si Belmonte ay matatandaang bahagi ng Philippine delegation sa The Hague, noong kasagsagan ng pagtalakay sa kasong isinampa ng bansa kontra China kaugnay sa WPS.

 

 

Read more...