Hinamon ni Pope Francis ang mga dumalo sa pagtatapos ng World Youth Day sa Poland na maging aktibo sa larangan ng pulitika at social activism sa halip na malulong sa mga video games at iba pang walang kabuluhang bagay.
Umaabot sa 2.5 milyong pilgrim ang nagtungo sa isang linggong World Youth Day Celebration sa Field of Mercy malapit sa Krakow, Poland.
Sa huling bahagi ng okasyon, nanguna ang Santo Papa sa isang misa na dinaluhan ng daan-daan libong kabataan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pope Francis na hindi dapat maging kuntento na lamang ang mga kabataan sa pag-upo at paghiga habang naglalaro ng mga computer games sa loob ng kanilang mga tahanan.
Dapat aniya isaisip ng bawat isa na sila ay isinilang sa mundo upang mag-iwan ng tatak sa lipunan at maging bahagi ng positibong pagbabago.
Hindi aniya dapat umasa ang mga kabataan sa mga computer at iba pang uri ng teknolohihya na nagiging ugat upang maging ‘mapag-isa’ ang isang tao.
Ang World Youth Day ay ginaganap bawat tatlong taon.
Sa pagkakataong ito, ginanap ang okasyon sa Poland na dinaluhan ng tinatayang 2.5 na milyong kabataan mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.