Unilateral ceasefire sa CPP-NPA binawi ni Duterte, opensiba itutuloy ng AFP

DuterteAlas-siyete ngayong gabi ay binawi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nauna niyang idineklarang unilateral ceasefire para sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Ito’y makaraang matapos ang kanyang ibinigay na deadline kaninang alas-singko ng hapon para magpaliwanag ang rebeldeng grupo kung bakit nila tinambangan ang convoy ng CAFGU at mga tauhan ng militar sa bayan ng Kapalong sa Davao del Norte.

Kasabay nito, inatasan ni  Duterte ang buong pwersa ng Armed Forces of the Philippines na maging alerto kasabay ng pagsasa-ilalim sa kanila sa high alert status.

Sinabi rin ni Duterte na magpapatuloy ang opensiba ng mga pwersa ng pamahalaan laban sa CPP-NPA.

Makaraan ang July 27 ambush ay naglabas ng pahayag ang pamunuan ng CPP-NPA sa Southern Mindanao kung saan ay sinisi pa nila ang mga tauhan ng militar na umano’y nagsagawa ng operasyon sa nasasakupan nilang lugar.

Hindi kinagat ng pangulo ang nasabing paliwanag kaya muling siyang nagbigay ng taning hanggang alas-singko ng hapon ngayong araw ng sabado pero hindi na nagbigay ng paliwanag pa ang komunistang grupo.

Read more...