Mas pinahahalagahan ni Senadora Grace Poe ang pananaw ni Pangulong Noynoy Aquino, kaysa sa mga puna ng ilang mga miyembro ng Liberal Party.
Ito’y sa harap ng mga pahayag ng ilang LP members na ayaw nila na maging standard bearer ang isang “outsider” at walang karanasan na mistulang patama kay Poe.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Poe na hindi raw siya nasasaktan sa mga batikos sa kanya ng mga kaalyado ng Presidente.
Kung tutuusin aniya ay ‘tama’ ang ilan sa mga naiisip laban sa kanya.
Natural lamang din daw na ang isang organisasyon, gaya ng partido Liberal, ay uunahin ang mga nasa sariling bakod nila.
“Nung tumakbo ako sa 2013, sumama ako sa koalisyon na yan, ang naging gabay ko si Pangulong Aquino. Kung ako man ay magdesisyon at akalain nila na karapat dapat akong suportahan, ang pinaka-mahalaga ay ang pananaw ng pangulo hindi po sa partido lamang,” ani Poe.
Nilinaw naman ni Poe na hindi raw siya kinukulit ni Pangulong Aquino, at sa halip na binibigyan daw siya ng espasyo para makapag-isip ng mabuti kung ano ang dapat nitong gawin para sa eleksyon.
“Ang Pangulo, kahit kaibigan, hindi ko mababasa ang lahat ng iniisip. Tapat siya, hindi lamang sa akin, kundi sa iba pang kasamahan niya. Hindi rin inimpose ang sarili niya. Noon pa niya sinasabi sa akin, hindi magiging madali ito,” sinabi ni Poe.
Inaasahan ang isa pang pulong ng pangulo kina Poe, DILG Secretary Mar Roxas at Senator Francis Escudero bago ang State of the Nation Address ng pangulo sa Ika-27 ng Hulyo. / Isa Avendano-Umali
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.