Sasakyang kargado ng bomba, nasabat sa Marawi

Marawi1Ilang araw matapos ang biglaang pag-atake sa isang kampo ng Philippine Army sa Marawi City, isa namang sasakyan ang naharang ng mga sundalo sa lungsod na naglalaman ng maraming pampasabog at iba pang mga gamit na panggawa ng bomba.

Ayon kay 65th Infantry Battalion commander Col. Joselito Pastrana, nag-tayo ang Philippine Army ng checkpoint sa Brgy. Lilod upang maharang ang isang Innova na may conduction sticker na YM 6499.

Nakakuha kasi sila ng impormasyon na ang sasakyang ito ay magbi-biyahe ng mga improvised explosive devices.

Nang makita ito ng mga sundalo, sinubukan nila itong parahin ngunit bigla itong lumiko, kaya hinabol na nila ang sasakyan.

Naabutan ito ng mga sundalo ngunit nakatakas ang isang suspek na nasugatan nang pagbabarilin ng mga sundalo ang kanilang sasakyan, sa tulong ng kaniyang kasama sa sasakyan.

Base sa registration ng sasakyan, nakapangalan ito sa isang miyembro ng pamilya Maute, na hinihinalang nasa likod rin ng pag-atake sa mga sundalo noong Miyerkules.

Pinaghahanap na rin ang ilang mga miyembro ng Maute group dahil sa mga krimen at panggugulo na ginagawa nila sa Lanao del Sur.

Read more...