Ayaw pang kumpirmahin ni Senadora Grace Poe ang umano’y panunuyo na rin sa kanya ng Nationalist People’s Coalition o NPC para maging standard bearer nito sa 2016 Presidential Elections.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Poe na hindi niya itinuturing ‘ligaw’ ang ginagawa ngayon ng NPC.
Nagkataon lamang aniya na naimbitahan sila ni Senador Francis Escudero sa okasyon ng NPC sa Koronadal, South Cotabato nitong weekend.
Binigyang-diin pa ng Senadora na noon pa man ay malaki na ang suporta ng NPC sa kanyang ama na si Fernando Poe Jr.
“Hindi ligaw. Marami sa NPC ang sumuporta nuon kay FPJ. Mga nakilala noon pa. Kaya hindi kataka-taka na sila ay nagaanyaya kapag may okasyon,” pahayag ni Poe.
Itinanggi naman ni Poe na ‘sortie’ na nila ni Escudero ang kanilang pagbisita sa Koronadal.
Ani Poe, “sa maaaring maganap sa mga darating na araw, nakatuktok ang lahat, kaya akala nila nag iikot na talaga kami.”
Naunang sinabi ng pamunuan ng NPC na handa silang i-adopt ang “Poe-Escudero” tandem kung magdeklara na silang sasabak sa halalan sa susunod na taon ./ Isa Avendano-Umali