Isang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuan sa bahagi ng Sta. Rosa-Tagaytay Road sa Barangay Puting Kahoy, Silang Cavite.
Napansin ng mga dumaraang motorista ang katawan ng biktima na balot ng packaging tape ang ulo at nakagapos ang mga kamay.
May nakita ring karatula sa katawan ng biktima na may nakasulat na “carnapper ako ‘wag tularan”.
Ang nasabing kalsada na pinagtapunan sa biktima ay daanan ng mga motoristang patungo ng Tagaytay at pabalik ng Metro Manila.
Dalawang kilometro lamang ang layo ng lugar na pinagtapunan sa biktima sa PNP Academy.
Ayon kay PO3 Arjell Joseph Vergara ng Silang police, alas 7:00 ng umaga nang ireport sa kanila ng mga dumaraang motorista na mayroong salvage victim sa lugar.
Kumakalap na ng ebidensya at impormasyon ang mga pulis para maimbestigahan ang insidente.