Duda si Atty. Harry Roque na makukuha ng Pilipinas ang pagpanig ng United Nations Arbitral Tribunal sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Roque, sinabi nito na ang second round ng presentation na ginawa ng Philippine Delegation sa The Hague, Netherlands ay patunay na mahina ang mga inilatag na argumento laban sa China.
“That is unusual. Hindi karaniwan na may round two ang presentasyon sa UN Tribunal, ” ayon pa kay Roque na isang international law expert.
Usapin muna ng jurisdiction ang pagdedesiyunan ng UN Tribunal at iyon ang inihaing argumento ng Philippine Delegation.
“Sa kauna-unahang pagkakataon nais ko pong sabihin dito na, yung nangyari po sa The Hague ay nagpapakita na hindi kasing lakas na sinasabi ng gobyerno natin, yung naging presentasyon natin sa isyu ng hurisdiksiyon” sambit pa ni Roque.
Hindi tama ani Roque na sabihin ng gobyerno na ang panig ng Pilipinas ang nagwagi sa pagharap sa UN Arbitral Tribunal.
Kung ang usapin ng mismong claim ang pag-uusapan, malaki ang laban ng Pilipinas ani Roque.
Dahil dito marapat na may plan B ang gobyerno.
“Bagaman ako ay naniniwala rin na malakas ang ating kaso, ay maghanda tayo ng plan-B, just in-case sabihin ng Tribunal na wala silang hurisdiksiyon, hindi naman pupuwede na wala tayong gagawin agad” dagdag pa ni Roque.
Kasunod ng hakbang ng pagpunta ng Philippine Delegation sa The Hague ay ang panawagan ng China na idaan sa bilateral at diplomatic talks ang usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Inakusahan ng China amg Pilipinas na naguudyok ng kaguluhan sa West Philippine Sea. / Ricky Brozas, Gina Salcedo