Hindi ligtas sa civil liabilities si Ampatuan Sr.

amp sr
Inquirer file photo

Sa kanyang kamatayan ay ligtas na sa criminal liabilities si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr, ngunit sa civil liabilities ng kaso laban sa kanya, hindi ito ligtas ayon kay Justice Secretary Leila De Lima.

“Andal Sr.’s death extinguishes his criminal liability, but not his civil liability for the massacre,” ayon kay De Lima.

Si Andal Sr, ang isa sa pangunahing suspek sa pagpatay sa limampu at walo katao sa Maguindanao noong Ika-23 ng Nobyembre ng taong 2009.

Ipinaliwanag pa ng kalihim ng DOJ na magpapatuloy ang trial ng kaso sa Quezon City Regional Trial Court Branch 221.

Ayon naman kay Atty. Harry Roque na kumakatawan sa 15 sa 58 biktima ng masaker, nakalulungkot na hindi natukoy ng walang pasubali sa pamamagitan ng pagtatapos ng trial ang kasalanan at pananagutan ni Andal Sr. sa naturang kaso.

Tiniyak ni Roque na ipagpapatuloy nila ang pagsusulong ng katarungan.

“Pinagkaitan ng tadhana ang mga biktima na madinig sa korte na guilty si Andal Jr. sa kaso laban sa kanya,” ito ang sinabi ni Roque sa panayam ng Radyo Inquirer.

Anim na taon na ang kaso at ang isinusulong ng grupo ni Roque ay ang magpasya na ang korte ng mas maaga at kung natuloy ito na buhay pa si Andal Sr. ay mas katanggap-tanggap sa panig ng mga biktima.

Ilan sa mga kaanak ng biktima ng masaker ay nagpahayag na ang pagpapatawad sa namatay na si Andal Sr. ngunit binigyang diin na patuloy ang paghahabol nila ng hustisya./ Gina Salcedo

Read more...