NPA binalaan, Abu Sayyaf tinawag na kriminal ni Duterte

By Chona Yu, Den Macaranas July 28, 2016 - 07:52 PM

duterte01
Inquirer file photo

Pinagpapaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army kaugnay sa ginawa nilang pag-ambush sa tropa ng pamahalaan sa Davao del Norte.

Ang nasabing pananambang ay naganap ilang oras makaraang magdeklara ng unilateral ceasefire ang pamahalaan base na rin sa naging direktiba ni Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

Sa kanyang pahayag mula sa Headquaters ng Southern Luzon Comman (SolCom) sa Camp Nakar sa Lucena City ay muling tinanong ng pangulo kung seryoso ba sa tigi-putukan ang rebeldeng grupo.

“Kundi kayo seryoso sabihin nyo lang at babalik tayo sa laban”, pahayag ni Duterte.

Muli rin niyang binigyang-diin na hindi na dapat muling maulit ang ambush na ikinamatay ng isang sundalo at ikinasugat ng apat na iba pang tauhan ng military.

Samantala, sa kauna-unahang pagkakataon kanina ay tinawag na kriminal ni Duterte ang bandidong grupong Abu Sayyaf.

Sinabi ni Duterte na tatapatan ng kaukulang pwersa ng pamahalaan ang ginagawang paghahasik ng gulo ng Abu Sayyaf.

Nauna nang binalaan ng pangulo ang Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front na itigil na ang pakikipag-ugnayan sa bandidong grupo.

TAGS: Abu Sayyaf, camp nakar, duterte, NPA, Abu Sayyaf, camp nakar, duterte, NPA

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.