Pagtunton sa Quiapo road rage suspek, pinamamadali

By Isa Avendaño-Umali July 28, 2016 - 01:47 PM

Vhon Tanto2Nanawagan si PBA Partylist Rep. Jericho Nograles sa mga otoridad na gamitin ang ‘full force’ ng mga ito upang madaling matunton ang gunman na kumitil sa buhay ng isang biker sa Quiapo, Maynila kamakailan.

Naging viral sa social media ang isang CCTV footage kung saan mapapanuod ang ayaw-trapiko ng isang lalaking may sasakyan na Hyundai Eon at isang biker.

Kinilala ang suspek na si Vhon Tanto, habang ang biktimang nasawi ay si Mark Vincent Geralde.

Giit ng Mambabatas, dapat mapanagot ang suspek at hindi na hayaang makapag-maneho pa dahil maituturing na siyang banta sa publiko.

Ayon pa kay Nograles, ang naturang krimen ay dapat na maging wake-up call para sa Kongreso na ipasa ang panukalang batas na layong magkaroon ng bike lanes sa mga major thoroughfares upang maprotektahan ang mga biker mula sa mga mapang-abuso at psychotic na mga motorista.

Ani Nograles, dumarami na ang mga kaso ng pagkasawi ng mga biker, aksidente man o kagagawan ang mga pasaway na mga driver.

Napuna rin nito na easy target ng aksidente at iba pang krimen ang mga siklista, lalo ang mga nakikipagsabayan sa lansangan.

Umaasa umano siya na sa pamamagitan ng kanyang House Bill 174 o Bicycle Law, magkakaroon na ng bike lanes para na rin sa proteksyon at mai-iwas sa aksidente ang mga siklista.

Sa ilalim ng panukala, lilikhain ang Local Bikeways Office na siyang tutukoy sa mga lugar kung saan nararapat na lagyan ng bike lanes.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.