CGMA, posibleng mabigyan ng pamumunuan sa Kamara

By Isa Avendaño-Umali July 28, 2016 - 08:22 AM

GMA-0719Inaantabayanan na sa Kamara ang listahan ng mga Kongresista na bibigyan ng chairmanship sa iba’t ibang komite sa Kapulungan.

Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, hintay-hintay lamang para sa kumpletong listahan ng chairmanship.

Pero nang matanong kung mabibigyan ba ng komiteng pamumunuan si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo, sinabi ni Fariñas na may posibilidad ito.

Si Arroyo ay nasa ikatlong termino na bilang kinatawan ng Pampanga sa Lower House.

Kahapon, nauna nang inanunsyo sa sesyon ang pagkakatalaga kay Batangas Rep. Eileen Ermita-Buhain bilang chairman ng House Committee on Accounts, at Batangas Rep. Romeo Acop bilang chairman ng House Committee on Public Order and Safety.

Sinabi naman ni Quezon City Rep. Winston Castelo na mahihirapan ang Liderato ng Kamara sa distribusyon ng mga komite.

Ani Castelo, sa mga nakalipas na Kongreso ay sumasakit talaga ang ulo ng House leadership sa pamamahagi ng mga komite sa mga Mambabatas.

May pagkakataon din aniya na hina-hati-hati pa ang komite para lamang mabigyan ang mga Kongresista

Pero may chairmanship man o wala, iginiit ni Castelo sa mga kapwa Kongresista na magtrabaho ng mabuti dahil may mandato silang sinumpaan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.