5 patay sa magkakahiwalay na pamamaril dahil sa droga sa Taguig, Quezon City at Maynila

By Jong Manlapaz, Ricky Brozas July 28, 2016 - 07:37 AM

Patay sa Taguig at QC
Kuha ni Jong Manlapaz at Ricky Brozas

Tatlo ang nasawi sa ginawang drug buy bust operation ng district anti ilegal drugs or DAID ng Taguig PNP sa 7th Street Barangay Katuparan Taguig City.

Tinamaan naman sa kanang paa ang isang pulis na umaktong bibili ng shabu sa halagang isang libong piso na kinilalang si P02 Alvin Taduyo matapos mauwi sa barilan ang operasyon.

Ayon kay Taguig District Anti Ilegal Drugs Chief Police Senior Inspector Wilfredo Sangel, target ng operasyon ang isang AWOL na pulis na hinihinalang tulak ng bawal na gamot.

Habang isa sa kasama ng AWOL na pulis ay nasa target list ng PNP Taguig na alyas Barick habang hindi pa alam ang pagkakilanlan ng isa pang suspek.

Nakuha sa crime scene ang isang shotgun, hindi pa mabatid nakalibre ng baril at ilang gramo ng shabu.

Isang Filipino Chinese naman ang natagpuan patay sa tulay na nag-uugnay sa Navotas at Manila sa R 10 Tondo Manila.

Ang nasabing biktima ay kinilala base sa nakuhang philippine passport sa kanya sa pangalang Jaime Ong, 40 years old na taga Malolos, Bulacan.

Sa tabi ng biktima ay makikita ang karatulang may nakasulat na “drug lord ako/Chinese”.

Samantala, isang bangkay naman nang lalaki ang nadiskubre ng mga residente ng Saint Martin St. sa Tulay na Bakal area B Payatas, Quezon City pasado alas singko ngayong umaga.

Nakilala ang biktima na si Reysee Mohagan na nagtamo ng apat na tama ng bala, dalawa sa leeg at dalawa sa likod.

May iniwan ding karatula sa tabi ng biktima na “Pusher ako Wag Tularan”.

Ayon naman sa bayaw ng biktima, nakarinig sila ng putok ng baril pasado alas dos ng madaling araw, subalit hindi aniya nila ito pinansin dahil sanay na silang makarinig ng barilan sa lugar.

Pero lingid sa kanilang kaalaman ay kamag-anak na pala nila ang biktima.

Aminado naman sila na nagtutulak ng droga ang biktima.

Ayon naman kay SPO2 Jaime Jimena ng SOCO, kalibre 45 na baril ang ginamit sa pagpaslang sa biktimang si Mohagan.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.