IBP naalarma na sa drug killings sa bansa

 

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Nababahala na ang Integrated Bar of the Phillipines (IBP) ang patuloy na pagdami ng mga napapatay sa buong bansa na may kaugnayan sa iligal na droga.

Sa inilabas na pahayag ng IBP, dapat nang pagtuunan ng seryosong atensyon ang tumataas na bilang ng mga napapatay na drug suspects sa mga operasyon ng pulis, pati na iyong mga tinaguriang “cardboard killings” o vigilante killings.

Dagdag pa dito, ang bansa natin ay binubuo ng mga batas, kaya naman hindi dapat balewalain ang pinaka-pundasyon ng ating demokrasya, na dapat laging mananaig ang batas.

Ayon pa sa grupo, sakaling dumating ang pangangailangan na magpatupad ng “extralegal measures,” tiniyak nilang hindi sila mangingimi na gawin ito alinsunod sa kanilang prinsipyo at tungkulin.

Kaugnay nito, nanawagan ang IBP sa Philippine National Police (PNP) pati na sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang mga pagpatay.

Kailangan din anilang mapanagot ng mga kinauukulan ang mga mapapatunayang may maling ginawa.

Dagdag pa ng grupo, hindi dapat kalimutan na drug suspect man o hindi ang biktima, maituturing pa rin na murder ang hindi makatarungang pagpatay.

Read more...