14 drug convicts, bibitayin na sa Indonesia ngayong weekend

 

Inanunsyo ng attorney general ng Indonesia na 14 na drug convicts ang kanilang bibitayin ngayong darating na weekend, kabilang na ang hindi bababa sa apat na dayuhan.

Ayon kay H. Muhammad Prasetyo, kabilang sa mga dayuhan na bibitayin ay pawang mula sa Nigeria, Zimbabwe, Pakistan at India.

Ani Prasetyo, nauunawaan nilang mayroon talagang tumututol sa kanilang mga pagbitay, ngunit bagaman hindi ito madali, kailangan nila itong gawin.

Hindi naman niya tinukoy kung anong araw ngayong weekend gaganapin ang pagbitay.

Mababatid na mariing kinokondena ng United Nations ang ginagawang executions ng Indonesia sa mga drug convicts, na hakbang ng nasabing bansa upang masupil ang pamamayagpag ng kalakalan ng iligal na droga.

Labis na naaalarma ang UN dahil mula noong 2013, 19 na ang binitay ng Indonesia.

Bukod sa UN, tutol rin ang European Union dito dahil anila, isang hindi makataong parusa ang pagbitay.

Read more...