FDA pinaalalahanan ang publiko sa Best Life Herbal Syrup

By Kabie Aenlle July 28, 2016 - 04:11 AM

 

fda-logo-philippinesNaglabas ng babala ang Food and Drugs Administration (FDA) tungkol sa Best Life Herbal Syrup dahil sa umano’y nakalilitong mga pahayag na nakalagay sa brochure nito.

Bagaman mayroon kasing nakalagay na disclaimer na ito ay hindi maaring gamiting panggamot sa anumang uri ng sakit, mayroon namang nakalagay sa brochure nito na unti-unting maaalis ang mga bara sa ugat ng sinumang iinom nito.

Mayroon pa itong paanyaya na “Say no to angioplasty, say yes to healthier life. Try Best Life Herbal Syrup.”

Bukod sa nakalilito at mapanlinlang na mga kataga sa brochure, hindi rin ito rehistrado sa FDA, base sa kanilang website.

Paalala ni FDA officer in charge Maria Lourdes Santiago, anumang pagkain o gamot at food supplements na hindi sumailalim sa kanilang pagsusuri ay maaaring may hindi magandang epekto sa kalusugan ng gagamit nito.

Giit pa ni Santiago, wala dapat taglay na mga deceptive at false claims ang anumang mga produkto para lang maging mabenta ang mga ito sa publiko.

Dapat rin aniyang maging maingat ang mga tao sa mga health scams na pinasikat ng mga food supplements na nagsasabing nakakagaling ang mga ito ng mga sakit.

Kaugnay nito nanawagan ang FDA sa mga lokal na pamahalaan at mga law enforcement agencies na tiyaking walang ibinebentang Best Life Herbal Syrup sa kanilang mga nasasakupang lugar.

Maari rin ireklamo ang mga ganitong false claims sa FDA sa pamamagitan ng [email protected] o sa pagtawag sa 857-1991 hanggang 93.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.