‘Video’ ng China ukol sa South China Sea , ipinalalabas sa Times Square sa New York

By Jay Dones July 28, 2016 - 04:31 AM

 

Inquirer file photo/AP

Natutunghayan na ang isang ‘video’ na ginawa ng China na nagpapaliwanag kung bakit sa kanila ang malaking bahagi ng South China Sea sa sikat na Times Square sa New York, USA.

Ayon sa Xinhua News Agency, 120 ulit kada araw na ipinapalabas ang naturang video clip sa isang large screen sa lugar.

Ito ay sinimulang ipalabas noong July 23 at tatagal hanggang August 3.

Sa naturang video, makikita ang mga eksena sa ‘Sansha City’ settlement na isa sa mga isla sa bahagi ng Woody Island na inaangkin din ng Vietnam at bahagi ng Paracel Group of Islands.

Dito makikita ang simpleng buhay sa naturang lugar at ang paliwanag na ang China ang unang nakadiskubre sa naturang rehiyon daan-daang taon na ang nakalilipas.

Sa naturang video, tinawag rin ng China na ilegal ang ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pumapabor sa Pilipinas.

Isa anila itong pagtatangka na alisin sa China ang karapatan nito sa naturang lugar.

Matatandaang nagpapatuloy ang tensyon sa malaking bahagi ng rehiyon kahit nagdesisyon na ang Permanent Court of Arbitration (PCA) na walang legal na basehan ang China para angkinin ang malaking bahagi ng South China Sea.

Bukod sa Pilipinas at China, kapwa umaangkin rin ng teritoryo sa lugar ang mga bansang Vietnam, Brunei at Malaysia.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.