No. 1 drug pusher sa Negros, 3 iba pa, patay sa shootout

July 28, 2016 - 04:12 AM

 

Inquirer file photo

Napatay ang numero unong drug pusher, pati na ang tatlong iba pang mga nagbe-benta ng iligal na droga, matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Negros Occidental.

Kabilang sa mga napatay ay si Andrew Tuvilla na hinihinalang nagsu-supply ng 60 hanggang 70 percent ng shabu sa mga adik sa Pontevedra at mga kalapit na lugar sa Negros Occidental.

Kinilala naman ng hepe ng San Roque police na si Sr. Insp. Gerald Huerva ang tatlong iba pang suspek na sina Ramon Lanzar Jr., Monterio Jiloma at Leo Uberas.

Ayon sa mga pulis, napatay ang mga suspek sa pakikipagbarilan sa apat na miyembro ng Provincial Anti-Drugs Special Operations Task Group ng Negros Occidental Provincial Police Office.

Ayon kay Chief Inspector Mark Anthony Darroca na nanguna sa operasyon, napuntahan na ng Pontevedra police si Tuvilla sa kaniyang tahanan alinsunod sa Oplan Tokhan ng mga pulis, at sumuko naman ito ngunit bumalik rin lang sa dating gawi.

Narekober kay Tuvilla ang cal. .45 na pistola na may kasamang dalawang magazines, P46,880 na halaga ng perang kinita sa pagbebenta ng droga at 11 malalaking sachet ng shabu at mga drug paraphernalia.

Bukod sa mga nabanggit, may nakuha rin sa kaniyang isang sling bag na naglalaman ng mga personal na gamit, 33 iba’t ibang bala pati na ang dalawang bala para sa M203 grenade launchers, at isang Rouser 150cc na motorsiklo. / Kabie Aenlle

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.