Si Punzalan na may-ari ng kulay pulang Hyundai Eon ay kusang nagtungo sa MPD at sa National Bureau of Investigation para linisin ang kaniyang pangalan matapos kumalat ang kaniyang larawan sa social media bilang siya umanong suspek sa pagpatay sa biktimang si Mark Vincent Geralde.
Ayon kay Senior Inspector Rommel Anicete, hepe ng homicide division ng MPD, natukoy na nila ang pagkakakilanlan at may larawan na sila ng totoong suspek na nakatakda nilang isapubliko.
Samantala, humingi naman ng paumanhin si Top Gear editor Vernon Sarne sa pag-post ng larawan ng sasakyan at impormasyon ni Punzalan sa kanilang Facebook page.
Ayon kay Sarne, siya ang responsable sa pag-post ng nasabing larawan at gagawin umano niya ang lahat para personal na makahingi ng paumahin kay Punzalan at sa kaniyang pamilya.
Samantala, sinabi rin ni National Bureau of Investigation (NBI) spokesperson Ferdinand Lavin na hindi nga si Punzalan ang suspek sa road rage killing.
Ani Lavin, nagsasagawa na ng manhunt operations ang NBI sa tunay na suspek.
Nagsiyasat aniya at ininspeksyon ng NBI ang sasakyan ni Punzalan at wala silang nakitang anomang ebidensya.
Sa kopya din ng medico legal ni Punzalan, hindi ito nakitaan ng anumang sugat o pasa sa kaniyang katawan, gayung makikita sa CCTV footage na ang suspek ay nakipagsuntukan muna kay Geralde bago niya ito napatay.