Itinuturong suspek sa pamamaril sa lalakeng nagbibisikleta, lumutang sa NBI
Lumutang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang driver ng sasakyang sinasabing suspek sa pamamaril sa isang lalakeng nagbibisikleta kagabi sa Quiapo, Maynila.
Humarap ang lalakeng si Nestor Punzalan sa mga opisyal ng NBI upang itanggi na siya ang lalakeng nagmamaneho ng Hyundai Eon na nakasuntukan ng bike rider bago ito pinatay.
Kumalat ang pangalan ni Punzalan sa social media matapos lumutang ang mga kwento na siya ang nagmamay-ari ng Hyundai Eon na sangkot sa krimen.
Gayunman, itinanggi ni Punzalan ang mga balita.
Paliwanag nito, bagama’t mayroon siyang pag-aari na Hyundai Eon na at nakakabit sa kanyang sasakyan ang conduction sticker na kumakalat sa social media, hindi ito ang sasakyang sangkot sa krimen.
Hindi rin niya aniya ginamit ang naturang sasakyan noong araw na maganap ang pamamaril sa biktimang si Mark Vincent Geralde sa kahabaan ng P. Casal St.
Naging viral ang naturang krimen makaraang makunan ng CCTV footage ang insidente.
Sa video, makikitang hinarang muna ng lalakeng naka-Hyundai Eon na kotse ang biktimang si Geralde.
Sa hindi pa matukoy na dahilan, galit na bumaba ng kanyang sasakyan ang suspek at nakipagsuntukan sa biktima.
Gayunman, nang matalo sa suntukan, kinuha ng suspek ang kanyang baril, at limang ulit na pinutukan ang biktima hanggang sa mamatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.