Mga kongresista, nagka-initan sa isyu hinggil sa minority leadership sa Kamara

 

Inquirer file photo

Wala pa ring nadeklarang lider ng minorya sa mababang kapulungan ng kongreso, sa sesyon kahapon, araw ng Martes.

Sa halip, nagkaroon ng mainitang debate sa plenaryo hinggil sa minority leadership.

Sa privilege speech ni Albay Rep. Edcel Lagman, iginiit nito na dapat nang ideklara si Ifugao Rep. Teddy Baguilat bilang minority leader dahil batay sa house rules, ang runner-up sa speakership race ay otomatikong dapat na kilalaning lider ng oposisyon.

Ipinunto rin ni Lagman na dahil sa binoto ni Quezon Rep. Danilo Suarez si House Speaker Pantaleon Alvarez, otomatikong bahagi na siya ng mayorya.

Binigyang diin pa ni Lagman na hindi maaaring pagbotohan muli o papiliin ang mga kongresistang nag-abstain sa pagitan nina Baguilat at Suarez.

Kaduda-duda rin aniya ang pag-antala sa pagdedeklara kay Baguilat bilang minority leader.

Sumalang naman sa interpelasyon si Northern Samar Rep. Raul Daza na suportado rin si Baguilat na kinumpirmang na nakatanggap siya ng imbitasyon sa mga mambabatas na nag-abstain at magconvene upang ihalal ang minority leader mamayang alas-10:00 ng umaga.

Galing aniya ito sa House Committee on Rules, at pinapirmahan daw ito sa kanya, at ang hinala niya, ang meeting ay pakulo ng liderato ng Kamara.

Subalit giit ni Daza, “Nasa kay Baguilat na ang lahat ng pagiging minority leader, pahihirapan pa ba natin siya?”

Babala pa ni Daza, kapag hindi naayos ang usapin ay maaaring magkaroon ng legislative paralysis.

Binanatan din nito si house majority leader rodolfo fariñas dahil aniya’y palusot nito.

Kinumpirma rin nina Buhay PL Rep. Lito Atienza at Caloocan City Rep. Edgar Erice ang naturang meeting mamaya para maghalal ng minority leader.

Kinuwestyon naman ni Navotas Rep. Toby Tiangco kung bakit ang rules committee ang nagpapakalat nito lalo’t panay kongresista na miyembro ay nasa mayorya.

Pero hindi natapos dito ang diskusyon dahil mismong si House Majority Leader Fariñas na ang tumayo at ipinaliwanag ang naganap na botohan noong Lunes at ang binanggit niyang rules.

Iginiit ni Fariñas na ang speaker lamang ang talagang inihalal kahapon, at hindi ang minority leader.

Ibig sabihin, ang 21 na nag-abstain, walong bumoto para kay Baguilat at Pitong pumanig kay Suarez ay uubra pang mag-elect ng minority leader. Hindi rin dapat aniya itrato na otomatikong lider ng minorya si Baguilat, at huwag gamiting palusot na ang natalong speaker ang magiging minority leader.

Ani pa ni Fariñas, maninindigan siya sa rules na kanyang binanggit dahil aniya “yung mga traditions ay nag-a-apply lamang yan kapag walang batas.”

Pasado alas-8:00 ng gabi, nagmove na si Fariñas na mag-adjourn na ang sesyon.

Read more...