Inirekomenda na ng Pasay City Police Station Investigation and Detective Management Division na masampahan ng kasong murder anga dalawa nilang kasamahan na bumaril at nakapatay sa mag-ama na nasa kanilang kustodiya noong July 7.
Nahaharap sa murder ang mga pulis na sina PO2 Alipio Balo Jr., at PO1 Michael Tomas na itinuturong sangkot sa pagbaril at pagpatay sa biktimang si Jaypee Bertes at ama nito na si Renato sa loob mismo ng Pasay City Police Anti-Illegal Drugs Division.
Ayon kay Chief Inspector Rolando Baula, pinuno ng SIDM, kanila nang isusumite ang rekomendasyon sa Special Investigation Task Group ‘Bertes’ na binuo ng Southern Police District.
Gayunman, hindi pa aniya nila maihain ang kaso sa korte dahil sa pagtanggi ng pamilya ng mga biktima na makipag-ugnayan sa mga imbestigador.
Tanging ang biyuda lamang ni Jaypee na si Harra Kazuo ang naghain ng reklamo sa Commission on Human Rights sa sinapit ng mag-ama.
Batay sa testimonya ng dalawang sangkot na pulis, tinangka umanong agawin ng ama na si Renato ang baril ni PO2 Balo habang inaalis niya ang posas upang ipasok sa detention cell kaya’t nabaril niya ito.
Dito na umano pumalag ang anak na si Jaypee kaya’ t binaril naman ito ni PO1 Tomas.
Unang inaresto si Jaypee ng mga pulis sa paglalaro ng cara y cruz ngunit habang kinakapkapan, nakuha umano ang ilang sachet ng shabu sa bulsa nito.
Sa takot na may mangyari sa kanyang anak, sumama at nagpaaresto rin ang ama na si Renato sa mga otoridad.