Mining companies na sumusunod sa batas, walang dapat ikatakot

 

Inquirer file photo

Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kumpanya ng minahan na hindi naman sila dapat kabahan kung sinusunod nila ang mga umiiral na batas kaugnay sa pagmimina.

Sa kaniyang State of the Nation Address (SONA), ipinahayag ng pangulo ang kaniyang pag-suporta kay Environment Secretary Gina Lopez na mula nang manungkulan ay ilang minahan na ang sinuspinde.

Ayon kay Duterte, umani ng batikos ang pag-talaga niya kay Lopez sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ngunit iginiit niya na pareho sila ng mga pinaniniwalaan at mas prayoridad nila ang kapakanan ng bansa.

Dagdag pa ng pangulo, kailangan niyang protektahan ang bansa, kaya nariyan sila ni Lopez para ipaalala sa mga minahan na mayroong mga pamantayan ang pamahalaan sa pagmimina.

Kailangan lang aniyang sundin ito upang hindi masira ang kalikasan, at tiyak na wala rin silang magiging problema.

Binigyan niya aniya ng direktiba si Lopez na siyasatin ang lahat ng mga permits sa pagmimina, pagto-troso at iba pang mga aktibidad na sensitibo sa kalikasan.

Ito aniya ay para malaman kung sumusunod ba ang mga ito sa panuntunan at kung kailangan ba itong amyendahan o bawiin.

Payo niya pa sa mga mag-aapply ng mga permit kay Lopez, lagi lang ngumiti at huwag sisimangot.

Read more...