Nilinaw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nag-kusa lang ang Hinatuan Mining Corp. na itigil ang kanilang mga operasyon.
Ayon kay DENR Secretary Gina Lopez, hindi nila sinuspinde ang nasabing minahan ng nickel sa Manicani Island sa Guiuan, Eastern Samar.
Gayunman, pinadalhan naman sila ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng liham na pinagpapaliwanag sila sa loob ng pitong araw kaugnay sa mga hindi magandang naobserbahan ng kanilang inspection team sa operasyon nasabing minahan.
Kasunod nito, nag-sabi ang Hinatuan na tatapusin na lamang nila ang loading ng 50,000 tons ng stockpiles na una nang nabigyan ng permit noong nagdaang administrasyon.
Magtatagal ang tigil operasyon ng Hinatuan hanggang sa makapagpaliwanag na sila sa MGB at kapag natapos na ang audit ng DENR sa kanilang minahan.
Mula nang maupo bilang kalihim ng DENR, maraming minahan na ang ipinasara ni Lopez dahil sa mga paglabag ng mga ito sa mga batas pang-kalikasan.