Mga mambabatas, mas ganado nang isulong ang FOI law
Ngayong napirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order para sa freedom on information (FOI), mas ginanahan ang ilang mambabatas na isulong ang pag-pasa sa FOI Act.
Positibong tinanggap ng mga senador na nag-sponsor sa FOI bill noong nagdaang Kongreso ang nasabing executive order.
Para kay Sen. Sonny Angara, isa itong positibong pagbabago dahil nangangahulugan itong mas sineseryoso ng kasalukuyang administrasyon ang transparency at accountability.
Dahil dito naniniwala siyang dapat sundan ng iba pang mga sangay ng gobyerno ang hakbang ng executive department, at sana maisabatas na ang kanilang panukala kaugnay nito.
Para naman kay Sen. Grace Poe, isa itong milestone sa pamahalaan at ipagpapatuloy nila ang pagsulong sa pagsasabatas ng FOI bill.
Ayon naman kay Sen. Bam Aquino, isa itong napakalaking hakbang para sa administrasyon at umaasa siyang susundan ito ng mga nasa lehislatibo.
Naniniwala naman sina Kabataan party-list Rep. Sarah Elago at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na mas lalabas na ang katotohanan tungkol sa mga maling paggamit ng pondo ng bayan sa pamamagitan nito.
Sakop ng nasabing executive order ni Pangulong Duterte ang mga nasa ilalim ng executive branches tulad ng mga kagawaran, kawanihan, iba pang mga opisina at government controlled corporations pati na ang mga state universities and colleges.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.