BIFF leaders, na-kudeta umano ng mga moderate Islamic clerics
Pinatalsik umano ng grupo ng mga moderate Islamic clerics ang mga kasalukuyang namumuno sa Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ayon sa pahayag ng isang Imam na nagpakilalang Abu Amir, siya na raw ang bagong tagapagsalita ng BIFF at ang grupo aniya ay pinamumunuan na ng isang Imam Minimbang alyas “Kagi Karialan.”
Si Karialan aniya ang pinagkakatiwalaang tauhan ni BIFM founding chair Imam Ameril Umra Kato bago siya pumanaw noong 2015.
Aniya, nagkasa sila ng coup d’etat sa mga dating pinuno dahil ang mga ito ay masyado nang sumusunod sa ISIS, at hindi na nila ito nagugustuhan.
Nananatili kasi aniya silang tapat sa mga isinusulong ng mga Moro at ng mga itinuturo sa Qur’an.
Ngunit, agad naman itong pinabulaanan ng tagapagsalita ng BIFF na si Abu Misri Mama at sinabing posibleng may kinalaman ang mga militar sa nasabing coup d’etat.
Nanindigan si Mama na siya pa rin ang tagapagsalita ng BIFF at ang pinuno pa rin nila ay si Commander Bungos dahil ito ang pinakapinagkakatiwalaang alalay at kaanak ni Kato.
Ayon sa ilang mga sources sa militar, mas maraming tagasunod si Karialan sa ikalawang distrito ng Maguindanao, at di hamak na mas moderate ang mga ito kaysa sa grupo nina Commander Bungos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.