Walang naging pagmamalabis ang Sandiganbayan sa desisyon nito na ibasura ang demurrer to evidence ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo para sa kasong plunder kaugnay ng umano’y anomalya sa paggamit ng 366 million pesos intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Ito ang tinukoy nina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Associate Justice Marvic Leonen sa kani-kanilang dissenting opinion.
Para kay Sereno, hindi siya sang-ayon sa pananaw ng majority justices na walang sapat na ebidensya na magdidiin kay Ginang Arroyo.
Binalewala umano ng mayorya ang mismong ulat ni dating PCSO Budget and Accounts Manager Benigno Aguas sa Commission on Audit na 244 million pesos ng 366 million pesos na pondo ng PCSO ay na-divert sa Office of the President.
Malinaw din umanong nailatag ang conspiracy o sabwatan sa pagitan ng mga akusado nang ilang beses na aprubahan ni Ginang Arroyo ang pagpapalabas ng karagdagang confidential and intelligence fund ng PCSO sa loob ng tatlong taon.
Ipinunto pa ni Sereno ang umano’y iregularidad sa disbursement, accounting at liquidation ng pondo at ang naging aktibong partisipasyon dito ng dating pangulo, idagdag pa ang katotohanan na ang pinal na pinuntahan ng pondo ay ang Tanggapan ng Pangulo.